Welcome, Guest
Please Login or Register.    Lost Password?

Ilang Pang Mga Pagmunimuni Hinggil sa mga Panayam
(1 viewing) (1) Guest
Go to bottomPage: 1
TOPIC: Ilang Pang Mga Pagmunimuni Hinggil sa mga Panayam
#264
Ilang Pang Mga Pagmunimuni Hinggil sa mga Panayam 11 Months, 2 Weeks ago  
Ibig ko lang himaymayin ang payanam ni Bb. Jessica Soho kay G. Carlo J. Caparas noong ika-15 ng Agosto, 2009 sa kanyang palatuntunang “Kapuso Mo, Jessica Soho”.

Hinintay ko ang bahaging iyon ng palatuntunan upang ako ay lubos na maliwanagan sa usapin hinggil sa pagkakaluklok niya sa pinakamataas ng karangalang pangsining. Nakakaunsyaming sa buong kahabaan ng panayam sa kanya ay tila baga nag-aksaya lang ng “air time“ ang programa. Hindi ko rin inaalis na baka may na-edit na rin sa panayam dahil parang isiningit lang ang segment na ito para mahusto ang “running time”. Kung gayunman, nag-aksaya nga lang din ng “air time” ang programa na pumili na lang sana ng ibang paksang kapupulutan ng sustansya.

Anupaman ang kadahilanan dito, hindi natugunan ng panayam na ito ang katanungan ng sambayanan. Animo’y wala sa katinuang napakalayo ng sagot ng “Artista ng Bayan” sa mga katanungang ipinukol ni Bb. Soho sa kanya. O marahil sadyang pinaikot-ikot lang niya ang kanyang mga tugon upang hindi niya masagot ang tanong na siya mismo ay walang kabatirang sagutin. Nandoong inihayag niya na siya ay lumaki sa bundok, mahirap lang sila, nabaril siya bilang isang security guard at iba pa.

Tila ba isa sa pamantayan ay ang awa ng bayan para pagkalooban ang isang tao ng ganitong parangal.

______________________________________________
Sa lahat ng tanong ni Bb. Soho, isa lang ang pinakahintay-hintay kong matugunan: Ang tanong ni Bb. Soho na bakit siya naging National Artist sa Visual Arts gayung hindi naman siya ang nagdebuho ng mga katauhan sa kanyang mga nobela.

Para sa akin, ang magiging tugon niya dito ay maaring makapagbigay ng liwanag sa kaisipan at makapagpabago ng paninidigan ng mga tao hinggil sa isyung ito. (Sa tanong na kung nag-lobby siya sa palasyo para dito ay hindi ko na pinagtuunan ng pansin. Manhid na tayo sa mga “kakapalan ng apog” na sagot na “Hindi”, “Walang katotohanan”, “Paninira lamang ‘yan”, “Walang basehan ”, “Patunayan nila”. Kahit hayag na hayag na sa madla kung ano ang totoo.)

_________________________________________________
Paumanhin kung hindi ko mailalahad sa eksaktong mga titik ang mga tanong at sagot . Sisikapin ko lamang talakayin ang pinakabuod ng bawat tugon. Pinili ko lang ang mga lundo ng panayam ngunit huwag niyo sanang isipin na ilalahad ko lang ang gusto ko lang malahad. Dahil ang totoo, basura na talaga ang iba:

_________________________________________________
Siya daw ay lumaki sa bundok at naging utus-utusan kung saan-saan at doon niya nahugot ang mga tauhan niya sa nobela. At sa gabi ay ginuguhit niya ang mga karakter na naiisip niya batay sa mga naging karanasan niya .

Kung gayon, bakit hindi siya ang gumuhit ng mga ito sa Komiks? (Madagdag ko na sa mga unang bahagi ng segment ay ipinakita ang mga guhit ng karakter na nilikha niya sa nobela, sa kanya ba ang mga guhit na iyon? Kung hindi, iniisip ko kung ano ang damdamin ng mga tunay nagdebuho nito.)

_________________________________________________
Siya daw ay nagtrabaho bilang security guard at nabaril.

Ano ang kaugnayan nito sa tanong na bakit ka naging national artist?

____________________________________________________
Isang bahagi ng panayam ay pinakita niyang gumuguhit siya ng “caricature” ng kanyang sarili sa isang papel.

Ginoong Caparas, kahit sino ay puwedeng gawin yan. Laluna’t sa tuwing guguhit ka ay iyan ang hilig mong ipagyabang na iguhit. “Practice makes perfect” ika nga. Kung iyan lang ang patunay mo, dapat siguro ay isusog ko rin ang panangkin kong maging National Artist dahil marunong din gumuhit ng “manga” sa gulang na 6 na taon.

Napakarami nang visual artists na nagtanghal at pinapurihan ang kanilang mga obra sa bansa at sa ibayong dagat ngunit alam nilang hindi pa sapat iyon. Pero sa iyo, tila ba sapat nang ipakitang marunong kang gumuhit ng “ulong may mahabang buhok, may bigote, bullcap at shades” upang tanggapin ka ng bayan na maging national artist sa Visual Arts (and Film!)


___________________________________________________
Ikinagulat ko ang tugon mo sa tanong na kung dapat bang pag-aralan ang mga “massacre movies” na iyong ginawa sa mga paaralan. Ang tugon mo ay walang pag-aalinlangang DAPAT para matutunan ng kabataan ang batas.

Ngayon ko lang nalaman na kulang pala sa pamantayan mo ang pagtuturo ng Moral Values sa paaralan.

Mali ba ako sa pagkakaalam kong ipinagbabawal ng batas ipapanood sa mga bata ang mga pelikulang may temang bayolente, sekswalidad at mga salitaang hindi angkop sa sibilidad? Sa iyo pala ay mas kailangan pang ilapit ito sa mga paaralan.

Darating pala ang araw na kapag nagtanong ako sa bata kung ano ang napag-aralan niya sa eskwela, ang isasagot niya ay kung paano tinaga, binaril, sinakal, tinadnat at ginahasa ng kontrabida ang mga biktima sa iyong mga pelikula.

Kakatwang ang mga madilim na yugtong ito ng kasaysayan ng ating lipunan (na pilit nating ibinabaon at kinakalimutan) ay siya palang isasaksak mo sa isip ng mga susunod na saling-lahi.


________________________________________________
May tinugon kang “there’s no monopoly for talent”.

Hindi ko maunawaan ang gusto mong palabasin dito. Ang ibig mo bang sabihin dito ay umaasta ang mga national artists na parang sila lang ang may karapatan ang sining? O iniisip mo na “talent” ka kaya awtomatikong dapat ay meron ka din bahagi sa parangal?

Ginoong Caparas, dapat maliwanangan mo na hindi sila ang nagluklok sa mga sarili nila sa parangal na ito. Ito ay dumadaan sa mahabang proseso ng nominasyon ng iba't-ibang mga indibidwal at sektor, pagpili ng “short list” at masusing talakayan bago itanghal ang pitong natatangi. (NATATANDAAN MO BANG HINDI KA NAKALUSOT SA HULING PROSESO NG MGA HURADO?) Hindi ang mga nominado ang gumawa ng paraan para makamit ito. Hindi gaya ng ibang mga timawang suwapang sa gawad na hindi pa napapanahong maging kanila. Maaring may ilang nominadong nagsusulong ng kanilang sarili para mapasama sa “short list” (dahil sila’y kabilang na sa pinagpipilian), pero ito’y sa mga kaibigan at kasama lang nila sa larangan. Hindi sa palasyo na bihasa sa pagbali ng karapatan at katotohanan.

Kakatuwang tinanggap mo ang isang parangal na wala kang malalim na kabatiran sa pamantayan at kwalipikasyon maliban sa pormula mong:

“Talent” ako + Laki sa bundok/hirap + Self-cariture + Massacre movies + Public Pity = National Artist Award!!!


_____________________________________________________
Patunay sa kawalan mo ng kaalaman sa pinasukan mo ay ang panayam sa iyo sa telepono ni Ginoong Arnold Clavio sa Unang Balita (Link: www.gmanews.tv/video/45892/Carlo-J-Caparas-speaks-up-on-National-Artist-award-controversy)

Para sa iyo pala ay isang kompetisyon o labanan ang National Artist Award dahil ginamit mo ang salitang “MAY MANANALO” at “MAY MATATALO” na parang Famas, Urian at iba pa. Isang kaawa-awang kasalatan sa kabatiran ay ipinarinig mo sa bayan. Binanggit mo rin na “si (Francisco)Coching ay natalo na” (na para bang wala na siyang pag-asang maging pambansang alagad ng sining na ilang beses ring pumasok sa nominasyon).

Natalakay si Bienvenido Lumbera (National Artist for Literature), na isa sa mga nanguna sa mga protesta laban sa mga isiningit ng palasyo (hindi lang ikaw ang tinutulan niya, bakit ikaw ang pumuputak?), na ani mo’y humingi ng panayam sa iyo noon at kalaunan nang maging direktor ka na ay nabasa mo sa kanyang artikulo ng ang tanging natutunan lang niya sa panayam iyo ay “isang masarap na kainan sa restaurant”. KUNG PAG-IISIPAN NGA, SA LAHAT NG MGA NAGING PANAYAM SA IYO MULA NG MAGSIMULA ANG KONTROBERSYANG ITO AY NAGPAPATUNAY LAMANG NA TAMA SI GINOONG LUMBERA. Wala pa kaming nakukuhang sustansya sa alinman sa mga nasabi mo na.

Lumalabas na para sa iyo pala, pag pinakain mo ang isang tao ay iniisip mong palamon mo na rin ang kanyang paniniwala at paninindigan. Nagkakamali ka ng pinakain dahil si Ginoong Lumbera ay nililok sa integridad (na isa marahil sa dahilan kung bakit isinulong siya ng tao para makamit ang pinakamataas na parangal.)
_______________________________________________________
Pinakabag mo ko sa katatawa sa mga katawagang ibinigay mo kay Manuel Conde (VISUAL ARTS and BROADCAST?) at sa sarili mo (VISUAL, KOMIKS ARTS and FILM?).

Para sa iyong kabatiran, si Manuel Conde ay ginawaran ng parangal para sa CINEMA at ang sinasabi mong “up-for-grab” ay VISUAL ARTS and FILM na tinahi ng palasyo ay ibinalato sa iyo. Saang lungga mo hinugot ang terminong VISUAL ARTS and BROADCAST at VISUAL, KOMIKS ARTS and FILM? Patunay ito sa binabanggit kong “Kakatuwang tinanggap mo ang isang parangal na wala kang malalim na kabatiran sa pamantayan at kwalipikasyon”.

Ibig mo palang sabihin na mas may lundo ka pa kaysa kay G. Conde sa larangan ng pelikula (na hanggang ngayon ay pinagsisikapan nating i-preserba, alagaan at saliksikin ang mga natitirang rolyo ng pelikulang ginawa ng mga katulad niyang tunay na kayamanan ng lahing Pilipino.)


__________________________________________________________
Wika mo, “Alam mo kasi, Arnold, mula pa lang sa mga awards sa pelikula, nasanay na ko na magkaroon ng mga kritiko …”

Bakit nga ba parang kahit saan ka magpunta ay may kritiko ka? Ibig bang sabihin ay nangyayari na talaga ang ganitong uri ng pulitika sa pelikula pa lang? Bakit naman pati ang kalantayan ng National Artist Award ay kailangan din madungisan ng kontrobersyang dala mo mula pa sa pelikula?

_______________________________________________________
Maliban sa massacre movies na nais mong mapag-aralan din sa mga paaralan dahil wika mo ay para matutunan ng kabataan ang batas, marahil ay dapat mo ring isulong na maituro ang pagpapahalaga sa “DELICADEZA”.
Renz Sevilla
Artist
Posts: 4
User Offline Click here to see the profile of this user
Last Edit: 2009/08/19 22:16 By Igol.
The administrator has disabled public write access.
 
Go to topPage: 1